Idinaos Nobyembre 5 hanggang 10, 2024, sa National Exhibition and Convention Center (NECC), Shanghai, gawing silangan ng Tsina ang Ika-7 China International Import Expo (CIIE).
Kalahok dito ang delegasyong Pilipino na kinabibilangan ng mga Pilipinong opisyal ng iba’t-ibang departamento at mga negosyante mula sa 16 na kompanya ng pagkain.
Naging bida sa eksibisyong ito ang Puyat durian na itinuturing na pinakamasarap na uri ng durian sa Pilipinas.
Sa eksklusibong panayam ng China Media Group – Filipino Service (CMG-FS) kay Jaime A. FlorCruz, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, ibinahagi niyang ang CIIE ay isang napakahalagang plataporma para ipakita ang mga produktong Pilipino sa mga Tsinong konsyumer.
Ipinahayag ni FlorCruz na labing-anim na Pilipinong eksibitor ang sumali sa ika-7 CIIE ngayong taon na nagpakita ng malawak na hanay ng mga produkto ng bansa, lalo na ng mga produktong agrikultural, gaya ng saging, durian, pinya, kape, at iba pa.
Ipinagmalaki niyang mainit na tinanggap ng mga Tsinong konsyumer ang durian ng Pilipinas. Kitang kita aniya ang mahabang pila ng mga Tsinong nais tikman ang masarap at matamis na Puyat durian ng bansa.
Tingin ni FlorCruz, ang CIIE ay parang isang match making, kung saan nagkita-kita ang mga potential partner mula sa Pilipinas at Tsina.
Saad pa niya, ito ang ika-7 taong singkad ng paglahok ng Pilipinas sa CIIE at walang-patid na lumaki ang taunang benta ng delegasyong Pilipino. Noong 2018 sa unang CIIE, 37.5 milyong dolyares ang nakuhang benta ng mga exhibitor, at noong 2023, umakyat na ito sa 1.1 bilyong dolyares.
Diin ni FlorCruz, sa pamamagitan ng CIIE, higit pang lumalapit ang relasyon ng Pilipinas at Tsina, at napapaganda ang mutuwal na pagkakaunawaan at pagtitiwalaan ng dalawang bansa.
Kaya sa tingin niya, ang kahalagahan ng CIIE ay hindi lamang sa kita ng pagluluwas, kundi, sa hindi mabilang na benepisyo ng pagpapalawig ng pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Inaasahan ng Pilipinas na mapapalaki pa ang partisipasyon sa CIIE at iba pang mga ekspo, at mapaparami rin ang mga eksibitor, hindi lamang sa mga produktong agrikultural, kundi rin sa iba pang mga produkto at serbisyong puwedeng maipagmalaki ng mga Pilipino, dagdag ni FlorCruz.
Video/ Ulat: Kulas
Pulido: Ramil/ Jade
Espesyal na pasasalamat: Jaime A. FlorCruz, DTI-CITEM, DA, Philippine Consulate General in Shanghai, PTIC-Shanghai, PTIC-Beijing, PTIC-Guangzhou, PTIC-HongKong, delegasyong Pilipino sa Ika-7 CIIE