Nagpadala ngayong araw, Nobyembre 15, 2024 si Pangulong Xi Jinping ng Tsina ng mensaheng pambati sa World Chinese Language Conference (WCLC) at bumati sa ika-20 anibersaryo ng pagkakatatag ng Confucius Institute.
Sa kanyang mensahe, tinukoy ni Xi na ang wika ay isang mahalagang kasangkapan ng komunikasyon ng sangkatauhan para maiparating ang mga ideya at tagapagdala ng pamana ng sibilisayon.
Aniya, ang Mandarin ay mahalagang produkto ng pangkulturang pampubliko na naiambag ng Tsina sa mundo at responsibilidad ng Tsina, bilang inang-wika nito, na suportahan at pagsilbihan ang internasyonal na komunidad sa pagpapaunlad ng edukasyong Mandarin.
Binigyan diin ni Xi na umaasa siyang palalakasin ng WCLC ang koneksyon at integrasyon, bubuo ng konsensus sa lahat ng panig, at pagsisikapang bumuo ng tulay ng interoperabilidad ng wika.
Ang WCLC ay pinanguluhan ng Ministri ng Edukasyon ng Tsina at binuksan sa parehong araw sa Beijing. Mahigit 2000 opisyal ng pamahalaan, punong-guro, eksperto at iskolar, guro at estudyante, mga sugo sa Tsina mula sa mahigit 160 bansa at rehiyon ang dumalo sa pulong.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil