“Mula Chancay sa Shanghai, ang sinasaksi natin ay ang pagsilang ng isang bagong koridor panlupa’t pandagat sa pagitan ng Asya at Latin-Amerika.”
Ito ang winika ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa kanyang paglahok, sa pamamagitan ng video link, sa pasinaya ng Chancay Port sa Peru, kasama ang kanyang Peruvian counterpart na si Dina Boluarte.
Sinabi naman ni Pangulong Boluarte na ang Chancay Port ay nagsisilbing mahalagang hakbang ng Peru para maging isang pandaigdigang sentro ng transportasyong pandagat at kalakalan. Mahalaga rin ito para sa integrasyon at kasaganaan ng Latin Amerika, dagdag pa niya.
Bilang flagship project sa ilalim ng magkasamang pagtatatag ng Belt and Road Initiative (BRI) para sa komong kasaganaan, mapapasulong ng Chancay Port ang episyensya ng kalakalan sa pagitan ng Peru at Asya, na magreresulta sa pagpapaikli ng kasalukuyang biyaheng pandagat mula Peru hanggang Tsina, mula sa humigit-kumulang 50 araw tungo sa 23 araw na lamang, at magbabawas ng di-kukulangin 20% sa halaga ng lohistika.
Bukod dito, ang pagkakatayo ng Chancay Port ay magdudulot ng USD 4.5 bilyong taunang kita para sa Peru. Lilikha rin ito ng mahigit 8,000 direktang trabaho.
Dagdag pa rito, ang Chancay Port ay nag-uugnay rin sa Pan-American Highway, isang network ng mga lansangan patungong iba’t ibang bansa ng kontinenteng Amerikano. Bunga nito, mapapasulong ang pag-unlad at integrasyon ng Latin America and the Caribbean (LAC).
Sa kasalukuyan, buong-sikap na isinusulong ng Tsina ang modernisasyon ng bansa. Samantala, pinaiiral ng Peru ang serye ng patakaran para mapasulong ang pambansang kaunlaran. Magkapareho ang hangarin ng dalawang bansa na isakatuparan ang kasaganaan sa kabila ng mga kinakaharap na hamon. Kapuwa nananangan din ang dalawang bansa sa multilateralismo at tumututol sa unilateralismo.
Kasabay ng pasinaya ng Chancay Port, pinirmahan din ng dalawang bansa ang protocal tungkol sa pag-u-upgrade ng bilateral na kasunduan ng malayang kalakalan at ipinahayag ang kahandaang magtulungan pa kaugnay ng malalaking proyekto ng impraestruktura, batay sa kani-kanilang pambansang batas. Layon ng mga itong makinabang dito ang mga mamamayan ng dalawang bansa.
Masasabing ang biyahe ni Pangulong Xi sa Peru ay hindi lamang nagpalalim ng tradisyonal na pagkakaibigan ng dalawang bansa, nagbuhos din ito ng bagong sigla sa kooperasyon ng Tsina at Latin Amerika at pag-unlad ng Global South.
Salin/Patnugot: Jade
Pulido: Rhio/Frank