Dumating, Nobyembre 17, 2024 (lokal na oras), sa Rio De Janeiro, Brasil si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, para sa Ika-19 na Summit ng mga Lider ng Group of 20 (G20) at dalaw-pang-estado sa bansa.
Sa kanyang nakasulat na talumpati sa paliparan, tinukoy ni Xi, na nitong nakalipas na ilang taon, tuluy-tuloy na lumalim ang pagtitiwalaang pulitikal, mabungang-mabunga ang pragmatikong kooperasyon’t pagpapalitang-tao-sa-tao, at may makabagong kasiglahan ang tradisyonal na pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Sinabi rin niyang magkasamang ipinahayag ng Tsina at Brasil ang makatarungang tinig ng Pandaigdigang Timog sa arenang pandaigdig, at mahalagang ambag ang ginawa ng dalawang bansa sa pagpapasulong ng kapayapaan at kaunlaran ng daigdig.
Kaugnay ng ika-50 anibersaryo ng ugnayang diplomatiko ng dalawang bansa sa kasalukuyang taon, umaasa si Xi, na magkakaroon siya ng pagkakataon upang malalimang makipagpalitan ng kuru-kuro kay Pangulong Luiz Inacio Lula da Silva ng Brasil, hinggil sa ibayo pang pagpapataas ng bilateral na relasyon, at pagpapalakas ng sinerhiya ng mga estratehiyang pangkaunlaran ng dalawang panig’t mga isyung panrehiyon at pandaigdig.
Nananalig aniya siyang mapapalakas ng kanyang pagdalaw ang pagtitiwalaang pulitikal, mapapalalim ang pagpapalitan at pagtutulungan sa iba’t-ibang larangan, at mapapatnubayan ang relasyon ng dalawang bansa sa susunod na “ginintuang 50 taon.”
Sa pamamagitan ng pagdalo sa Ika-19 na Summit ng mga Lider ng G20, nais ni Xi, na patuloy na mapatingkad ng G20 ang mas malaking papel bilang isang mahalagang plataporma ng pandaigdigang kooperasyong ekonomiko.
Salin: Vera
Pulido: Rhio / Lito