Ngayo’y lumalalim nang lumalalim ang globalisasyon, ang paghawak sa mga alitan sa pagitan ng mga bansa ay hindi lamang sumusubok sa diplomatikong karunungan ng iba't ibang bansa, kundi nakakaapekto rin sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon at buong daigdig.
Dahil sa panghihimasok ng ilang bansa mula sa labas ng rehiyon na tulad ng Amerika, madalas na pinag-uukulan ng pansin ng daigdig ang alitang Sino-Pilipino tungkol sa isyu ng South China Sea (SCS). Sa harap ng masalimuot at sensitibong isyung ito, ang paggigiit ng Ideya ni Xi Jinping sa Diplomasya, paggigiit ng mapayapang diyalogo at panalu-nalong kooperasyon, at pagpapalakas ng kamalayan ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan, ay tanging siyang paraan upang resolbahin ang alitan at mapasulong ang matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Pilipino.
Una, dapat panatilihin ng Tsina at Pilipinas ang diyalogo upang hawakan at kontrolin ang alitan.
Ipinagdiinan ng Ideya ni Xi Jinping sa Diplomasya ang kahalagahan ng mapayapang pag-unlad. Naninindigan ito na dapat lutasin ang mga alitan sa pamamagitan ng diyalogo at talastasan, sa halip na sa pamamagitan ng konprontasyon at pamimilit.
Ipinagkakaloob ng Mekanismo ng Bilateral na Pagsasangguniang Sino-Pilipino sa Isyung Pandagat (BCM) ang plataporma para sa pagkakaroon ng kapuwa panig ng matapat at pragmatikong diyalogo. Sapul noong 2017, 9 na pulong na ang idinaos sa ilalim ng mekanismong ito kung saan nagpahayag ang kapuwa bansa ng pagkabahala ng isa’t-isa, nagpaliwanag ng intensyon, at hinanap ang mga posibleng larangan ng kooperasyon. Ito ay nakakapagpatingkad ng positibong papel sa pagpapahupa ng maigting na situwasyon at pagtatatag ng pagtitiwalaan ng kapuwa panig.
Bukod pa riyan, ang malalim na ugnayang historikal ng Tsina at Pilipinas ay nagkakaloob ng espesyal na emosyonal na koneksyon para sa paglutas ng alitan ng dalawang bansa.
Noong 1417 (noong Dinastiyang Ming ng Tsina), bumiyahe sa Tsina ang tatlong Hari ng Sulu upang maisagawa ang “Diplomasya ng mga Pinuno.” Ang biyaheng ito ay hindi lamang nakapagpasulong sa pagpapalitan ng kapuwa panig, kundi ikinalat din ang buto ng pagkakaibigan at pagtutulungan.
Komong kayamanang kultural ng dalawang panig ang nasabing alaalang historikal. Sa paghawak sa mga alitang Sino-Pilipino, dapat pahalagahan ng dalawang bansa ang nasabing pamanang historikal at magsikap para makalikha ng paborableng kondisyon para sa mapayapang paglutas sa kaukulang alitan.
Ikalawa, dapat igalang ng Tsina at Pilipinas ang isa’t-isa at isagawa ang kooperasyon tungo sa panalu-nalong resulta.
Ang pagpapasulong ng konstruksyon ng “Belt and Road” Initiative (BRI), at pagtahak sa landas tungo sa mapayapang pag-unlad na nakabase sa paggagalangan sa isa’t-isa at kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, ay esensya ng Ideya ni Xi Jinping sa Diplomasya.
Sa kanyang pakikipagtagpo Enero 4, 2023 kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng Pilipinas, inihayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang kahandaang magsagawa ng komprehensibong pagplano para sa pag-unlad ng bilateral na relasyon sa susunod na yugto, upang maging mabuting magkapitbahay na tumulong sa isa't isa, mabuting kamag-anak na malapit na magkakilala, at mabuting kasosyo na maaaring makipagtulungan para magtagumpay.
Nitong ilang taong nakalipas, walang patid na lumalalim ang kooperasyong Sino-Pilipino sa 4 na mahalagang larangang gaya ng agrikultura, imprastruktura, enerhiya, at kultura, at natamo ng mga ito ang kapansin-pansing bunga.
Sa pamamagitan ng pag-uugnayan ng BRI at pambansang estratehiyang pangkaunlaran ng Pilipinas, ipinatupad ang maraming proyektong pangkooperasyon ng kapuwa bansa, bagay na nakakapagpatingkad ng mahalagang papel sa pagpapasulong ng paghahanap-buhay sa mga lokalidad, at pagpapabuti ng kalidad ng pamumuhay ng mga mamamayang lokal.
Samantala, sa pamamagitan ng mga bukas na platapormang pangkooperasyon na gaya ng China International Import Expo (CIIE), China-ASEAN Expo (CAExpo), at China International Fair for Trade in Services (CIFTIS), napakalaking pag-unlad ang nakamit ng ugnayang pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Pilipinas, at sustenableng lumalabas ang nakatagong lakas ng kooperasyon ng kapuwa bansa.
Ipinagkakaloob ng mga ito ang mabuting pundasyong ekonomiko para sa pagresolba ng kapuwa panig sa kanilang alitang pandagat.
Sapul nang lagdaan ng Tsina at Pilipinas ang kasunduan tungkol sa pag-aangkat ng durian noong isang taon, napakabilis na pumapasok ang durian ng Pilipinas sa merkadong Tsino. Ayon sa datos ng Davao City Durian Industry Council (DCDIC), noong unang 9 na buwan ng kasalukuyang taon, 9,351 toneladang durian ang iniluwas mula Davao patungong Tsina. Ito ay mas malaki ng 2 beses kumpara sa buong taong 2023 (4,088 tonelada).
Hindi mapapabulaanan na dahil sa “elementong Amerikano,” nahaharap kamakailan ang relasyong Sino-Pilipino sa mga hamon.
Minsa’y sinabi ni Pangulong Xi na ang kaunlaran ay ang susi sa paglutas sa lahat ng problema. Sa harap ng hamong ito, ngayo’y dapat ibayo pang palawakin ng Tsina at Pilipinas ang larangang pangkooperasyon, pataasin ang lebel ng kooperasyon, at mapayapang lutasin ang kanilang alitan sa pamamagitan ng kaunlaran sa halip ng pagsira sa bilateral na relasyong pangkooperasyon.
Ikatlo, itatag ang komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.
Ang pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan ay nukleong konsepto ng Ideya ni Xi Jinping sa Diplomasya. Layon nitong itaguyod ang paglilikha ng isang kapaligirang pandaigdig na paborable sa kaligtasan, katatagan, at komong kaunlaran.
Tinukoy ni Pangulong Xi na ang mga bansa, malaki man o maliit, malakas o mahina, mayaman o mahirap, ay dapat tratuhin nang pantay-pantay ang isa't isa, at hindi lamang paunlarin nang maayos ang kanilang sarili, kundi tumulong din sa ibang mga bansa na umunlad nang maayos. Kung maayos ang lahat, magiging mas magandang lugar ang mundo, ani Xi.
Sa proseso ng paghawak sa alitang pandagat ng Tsina at Pilipinas, mayroon ding mahalagang katuturang pampatnubay ang konseptong ito.
Sa pakikipagkita kay Marcos Jr., ipinagdiinan ni Xi na bilang kapuwang umuunlad na bansa sa Asya, ang pag-unlad ng dalawang bansa ay nag-uugat sa mabuting kapaligiran ng kapitbahay, at sa malaking pamilya ng Asya na may kooperasyon at panalu-nalong resulta.
Bilang mga miyembro ng pamilyang Asyano, ang pangunahing konsepto ng pagtatatag ng komunidad na may pinababahaginang kinabukasan ng sangkatauhan ay magkatulad sa diwa ng “Bayanihan” ng pagkakaisa at pagtutulungan sa lipunang Pilipino.
Ipinakikita nito ang magandang tradisyon ng Tsina at Pilipinas na nagtutulongan sa isa’t-isa, at ang komong hangarin ng mga mamamayan ng kapuwa bansa sa paghahanap ng pagkakaisa at pag-isantabi ng pagkakaiba, maayos na paghawak sa alitan, at paghahanap ng komong kaunlaran.
Sa mahigit isang libong taon ng pagkakaibigan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas, hindi dapat hadlangan ng kongkretong alitan ang kooperasyon ng dalawang bansa, at hindi rin dapat maapektuhan ng “lakas sa labas ng rehiyon” ang kapit-bisig na pagsisikap ng Tsina at Pilipinas tungo sa landas ng modernisasyon.
Salin: Lito
Pulido: Mark