|
||||||||
|
||
Nasa harap mula kaliwa sa kanan: Amb. Erlinda Basilio, Embahador ng Singapore, Embahador ng Laos, at Pangkalahatang Kalihim ng China ASEAN Center
Kahapon ipinagdiwang ang ika-46 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Bilang pagbati sinabi ni Amb. Erlinda Basilio, Embahador na Pilipino sa Tsina na isang mahalagang kaganapan ang pagdiriwang ng ASEAN Day at ang ika-10 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Ugnayang Estratehiko sa pagitan ng ASEAN at Tsina.
Ani Amb. Basilio, "Sa pamamagitan ng ugnayang estratehiko ng ASEAN at China, ako ay naniniwala na lalong mapaiigting ang ating samahan at pakikipagkaibigan. At ito ay makakatulong sa ating pagtamo ng mga adhikain sapagkat sa 2015 ila-launch natin ang ASEAN Community. At ang ating ugnayan sa Tsina ay isang haligi ng ating ugnayan at ng ating asosasyon."
Sa Setyembre, ipagdiriwang din ang ika-10 Anibersaryo ng China-ASEAN Expo (CAExpo) at ang Pilipinas ang bayan na magiging tampok sa taong ito. Sinabi ng Embahador Pilipino na puspusan ang paghahanda ng kanyang pamahalaan para maging matagumpay ang partisipasyon ng bansa sa CAExpo.
Hingil naman sa China-ASEAN Free Trade Area, naniniwala si Amb. Basilio na ito ay plataporma para lalo pang makilala ang mga produkto ng Pilipinas. Ito'y nagbibigay ng malaking bentahe at kabuhayan sa mga negosyante at mga exporters ng mga produktong agrikultura.
Mahaba ang karanasan ni Amb. Basilio sa ASEAN Affairs, sa kanyang pagtasa sa sampung taong kasaysayan ng ugnayang Sino-ASEAN, sinabi niya na "Maraming nangyaring mabuti para sa ating bansa at para sa ating mga kababayan. Hinahangad ko na sa susunod na dekada ay lalong maging mahusay ang ating pagkakaibigan at sa larangan ng ekonomiya. "
Ulat ni Machelle Ramos
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |