Pinabulaanan kahapon ni Omran Zoabi, Ministro ng Impormasyon ng Syria, ang paggamit ng tropang pampamahalaan ng sandatang kemikal sa Damascus. Sa kabilang dako, sinabi nang araw ring iyon ng oposisyon ng Syria na ginamit ng tropang pampamahalaan ang sandatang kemikal sa pagsalakay at nagdulot ito ng di-kukulangin sa 1300 pagkamatay.
Ayon kay Zoabi, may matibay na ebidensiya at saksi ang pamahalaan hinggil sa mga nasugatan dahil sa pagsalakay, at sample ng lupa't hangin, para mapatunayan na ang mga may-kagagawan ng naturang pag-atake ay mga sandatahang tauhan ng teroristikong organisasyon. Umaaasa aniya siyang makukuha ng grupong tagapagsuri ng UN ang neutral, propesyonal at siyentipikong resulta hinggil dito.
Sa kabilang dako, ipinahayag ng oposisyon ng Syria na sinalakay ng tropang pampamahalaan ng bansa ang Eastern al-Ghouta Suburb, Damascus mula noong madaling araw, gamit ang rocket bomb na may Sarin. Nagdulot ito ng di-kukulangin sa 1300 namatay at halos 100 nasugatan.
Salin: Andrea