Nag-usap dito sa Beijing kahapon sina Preymer Li Keqiang ng Tsina at dumadalaw na Punong Ministro Lee Hsien Loong ng Singapore.
Sinabi ni Premyer Li na sa kasalukuyan kapuwa kinakaharap ng Tsina't Singapore ang nagbabagong kapaligirang panloob at pandaigdig, kaya, dapat palalimin ng dalawang bansa ang kanilang pagtutulungan batay sa pagtitiwalaan at mutuwal na kapakinabangan.
Kaugnay ng relasyong Sino-ASEAN na kasalukuyang nagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng pagkakatatag ng estratehikong partnership, sinabi ni Premyer Li na ipinauuna ng kasalukuyang Pamahalaang Tsino ang pagpapasulong ng mapagkaibigang pagtutulungan nila ng ASEAN. Kasabay nito, tumpak na hahawakan aniya ng Tsina ang mga isyu nila ng ilang bansang ASEAN na naiwan ng kasaysayan para mapangalagaan ang panlahat na paglago ng pagtutulungan ng dalawang panig.
Ipinahayag naman ni Punong Ministro Lee ang pagpapahalaga ng Singapore sa relasyon nila ng Tsina at ang hangarin ng pagpapasulong ng kooperasyon ng dalawang bansa sa iba't ibang larangan. Kaugnay ng relasyong Sino-ASEAN, sinabi ng punong ministro ng Singapore na ang mapagkaibigang pagtutulungan ay nagsisilbing pangunahing nilalaman ng relasyon ng dalawang panig. Kinakatigan aniya ng Singapore ang Tsina at ilang bansang ASEAN na lutasin ang kanilang pagkakaiba sa mapagkaibigang pamamaraan.
Salin: Jade