Sa pangangatwirang gumamit ng sandatang kemikal ang Syria, ipinahiwatig kamakailan ng ilang bansang kanluranin ang posibilidad ng pagsasagawa ng military intervention sa bansang ito. Bilang tugon, sinabi naman kahapon ni Walid al-Moualem, Ministrong Panlabas ng Syria, na handang handa ang pamahalaan na ipagtanggol ang bansa.
Sinabi ni Moualem na hindi niya ipinalalagay na magsasagawa ang mga bansang kanluranin na kinabibilangan ng Amerika ng aksyong militar sa Syria. Aniya, ang ginagawa ngayon ng pamahalaang Amerikano ay, sa pamamagitan ng pagkakalat ng ganitong mga bali-balita, makapagpataw ng presyur sa pamahalaan ng Syria, para mapilitan itong makipagkompromiso. Pero, aniya, handang handa naman ang pamahalaan na ipagtanggol ang bansa.
Sa may kinalamang ulat, ayon sa ulat kahapon ng Washington Post, isinasaalang-alang ni Pangulong Barack Obama ng Amerika, na isagawa ang maliit na saklaw na aksyong militar sa Syria, bilang tugon sa di-umano'y paggamit ng pamahalaan ng Syria ng sandatang kemikal sa sagupaang panloob. Ayon pa rin sa Pentagon, tatalakayin ng mga tropa ng Amerika, Britanya, at Pransya ang pangkagipitang plano bilang tugon sa isyu ng Syria.
Pero, sa kanyang pagdalaw sa Iran, sinabi kahapon ni Pangalawang Pangkalahatang Kalihim Jeffrey Feltman ng UN, na tinututulan ng UN ang paggamit ng paraang militar para malutas ang krisis ng Syria. Nanawagan din si Feltman sa Iran na magpatingkad ng mahalagang papel, para mahimok ang iba't ibang panig ng Syria na bumalik sa talastasan.
Salin: Liu Kai