|
||||||||
|
||
Magkakahiwalay na nakipag-usap sa telepono kahapon si Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina, kina Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-moon ng United Nations (UN), Pangkalahatang Kalihim Nabil el-Araby ng Arab League (AL), at Guido Westerwelle, Ministrong Panlabas ng Alemanya, para ipaliwanag ang paninindigang Tsino sa isyu ng Syria.
Binigyang-diin ni Wang, na dapat katigan ng iba't ibang may kinalamang panig ang gawain ng grupong tagapagsiyasat ng UN sa Syria hinggil sa isyu ng paggamit ng sandatang kemikal. Dagdag pa niya, bago ilabas ang resulta ng pagsisiyasat, hindi dapat pilitin ng mga bansa na magsasagawa na aksyon ang UN Security Council (UNSC) na nakatuon sa Syria.
Ipinalalagay ni Wang, na ang pagsasagawa ng aksyong militar sa Syria ay lumalabag sa prinsipyo ng UN Charter, at magreresulta ito mas maraming kasuwalti ng mga sibilyan. Kaya, aniya, ang paraang pulitikal ang tanging paraan sa paglutas ng isyu ng Syria.
Kaugnay nito, sinang-ayunan ni Ban ang paggigiit sa paglutas ng isyung ito sa paraang pulitikal. Nakahanda aniya siyang panatilihin ang pag-uugnayan sa Tsina hinggil sa isyung ito.
Ipinahayag naman ni Nabil el-Araby na dapat lutasin ang isyung ito sa paraang pulitikal, at umaasa siyang maayos na hahawakan ng UNSC ang nasabing problema.
Sinang-ayunan ni Westerwelle ang kahalagahan ng paraang pulitikal sa paglutas ng isyu ng Syria. Ipinahayag niyang nakahanda ang Alemanya na isagawa ang pakikipag-ugnayan sa Tsina hinggil sa isyung ito.
Salin: Ernest
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |