Kinatagpo kahapon sa Nanning, Guangxi, ni Premyer Li Keqiang ng Tsina si Pangalawang Punong Ministro Teo Chee Hean ng Singapore na kalahok sa kasalukuyang idinaraos na Ika-10 China-ASEAN Expo (CAExpo) at Ika-10 China-ASEAN Business and Investment Summit (CABIS).
Ipinahayag ng premyer Tsino ang pagpapahalaga ng Pamahalaang Tsino sa relasyon nila ng Singapore. Nakahanda aniya ang Tsina na pasulungin ang bilateral na pagtutulungan sa inobasyong panteknolohiya, ekolohikal na pangangalaga sa kapaligiran, pinansya, at pangangasiwa sa lipunan.
Ipinahayag naman ng Pangalawang Punong Ministro ng Singapore na ang katatapos na pagdalaw ni Punong Ministro Lee Hsien Loong ay ibayo pang nagpapasulong ng relasyong Sino-Singaporeano. Nakahanda aniya ang Singapore na palalimin ang naturang bilateral na relasyon.
Salin: Jade