Kinatagpo kahapon sa Nanning, Guangxi, ni Premyer Li Keqiang ng Tsina si Punong Ministro Nguyen Tan Dung ng Biyetnam na kalahok sa kasalukuyang idinaraos na Ika-10 China-ASEAN Expo (CAExpo) at Ika-10 China-ASEAN Business and Investment Summit (CABIS).
Sinabi ng Premyer Tsino na ang paglahok ni Punong Ministro Nguyen sa CAExpo sa Pambansang Araw ng Kasarinlan ng Biyetnam ay nagpapakita ng pagpapahalaga ng panig Biyetnames sa relasyong Sino-Biyetnames at relasyong Sino-ASEAN. Aniya, umaasa ang Tsina na mapapahigpit ang pagtitiwalaang pulitikal ng dalawang bansa at mapapasulong ang kanilang pagtutulungang panlupa at pandagat. Kaugnay ng isyu ng South China Sea, umaasa ang premyer Tsino na mapapasulong ng Tsina't Biyetnam ang kanilang diyalogo, tumpak na mahahawakan ang pagkakaiba at buong-sikap na gagawing pagkakataong pangkooperasyon ang mga hamon.
Ipinahayag naman ng punong ministro ng Biyetnam ang pasasalamat sa ibinibigay na suporta sa kanyang bansa ng panig Tsino. Nakahanda aniya ang Biyetnam na pasulungin ang pagtitiwalaang pulitikal at lutasin ang pagkakaibang pandagat sa pamamagitan ng mapagkaibigang pagsasanggunian.
Salin: Jade