Dahil sa malawakang pagkatig sa mungkahi ng Rusya hinggil sa pagsasailalim sa pandaigdig na superbisyon ng mga sandatang kemikal ng Syria, lumitaw ang positibong pagbabago sa matinding kalagayan ng bansang ito.
Kaugnay ng nabanggit na mungkahi ng Rusya, nagpahayag kahapon ng pagkatig si Punong Ministro Wael al-Halaki ng Syria. Sinabi rin niyang nakahanda ang pamahalaan ng Syria na makipagkooperasyon sa komunidad ng daigdig hinggil sa anumang pulitikal na mungkahi na naglalayong iwasan ang digmaan.
Nang araw ring iyon, ipinahayag ng Rusya na tatalakayin at itatakda nito at pamahalaan ng Syria, sa lalong madaling panahon, ang plano para ipatupad ang naturang mungkahi. Nanawagan din sa Estados Unidos si Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, na itakwil ang paggamit ng dahas sa Syria. Dahil aniya, kung ganito, saka lamang magkakaroon ng saysay ang isasagawang hakbangin ng pamahalaan ng Syria.
Samantala, hiniling kahapon ni Pangulong Barack Obama ng E.U. sa Kongreso, na ipagpaliban ang botohan hinggil sa pagbibigay ng awtorisasyon sa pagsasagawa ng aksyong militar sa Syria. Ito aniya ay para magbigay ng pagkakataon sa paglutas sa isyu ng sandatang kemikal ng Syria sa pamamagitan ng diplomatikong paraan.
Bukod dito, kinansela kahapon ng UN Security Council ang close-door meeting hinggil sa isyu ng Syria na nakatakdang idaos nang araw ring iyon. Pero, hindi nito ipinaliwanag ang dahilan sa pagkansela.
Salin: Liu Kai