Ipinahayag kahapon ni Pangulong Bashar al-Assad ng Syria na nakahanda ang pamahalaang Syrian na ipasailalim sa kontrol ng komunidad ng daigdig ang mga sandatang kemikal. Ngunit, binigyang-diin niyang ang pagpayag ng pamahalaan ng Syria sa kondisyong ito ay hindi dahil sa banta mula sa Estados Unidos (E.U.). Nang araw ring iyon, kinumpirma ng United Nations (UN) na isinumite na ng Syria ang mga may-kinalamang mensahe, para simulan ang proseso ng paglahok sa Chemical Weapons Convention.
Nag-usapan kahapon sina John Kerry, Kalihim ng Estado ng E.U., at Sergei Lavrov, Ministrong Panlabas ng Rusya tungkol sa isyu ng sandatang kemikal ng Syria. Sinabi ni Kerry na mas mabuting malutas ang isyung ito sa paraang diplomatiko, kaysa sa aksyong militar. Inulit pa niyang dapat tunay, komprehensibo, at mapagkakatiwalaan ang nasabing pagsusuperbisa. Sinabi naman ni Lavrov na kung malulutas ang isyu hinggil sa sandatang kemikal ng Syria, hindi na kakailanganin ang paggamit ng dahas.
Salin: Andrea