Ipinahayag kahapon ng Syria-based National Coordination Body, pangunahing oposisyon sa loob ng Syria, na tanggihan nito ang lahat ng pagsalakay na militar sa Syria ng Estados Unidos (E.U.) at mga kaalyado nito.
Nang araw ring iyon, isiniwalat ng panig opisyal ng Syria na ipinadala na ni Bashar Jaafari, Pirmihang Kinatawan ng Syria sa United Nations (UN), ang mensahe kay Ban Ki-moon, Pangkalahatang Kalihim ng UN at Kinatawan ng Tagapangulong Bansa ng UN Security Council, para manawagan na hadlangan ang anumang pagsalakay na militar sa Syria. Ang mensahe ay nananawagan din sa UN na pasulungin ang paglutas sa krisis ng Syria sa paraang pulitikal.
Sinabi kahapon ni Anders Fogh Rasmussen, Pangkalahatang Kalihim ng North Atlantic Treaty Organization (NATO), na hindi lalahok ang NATO sa aksyong militar sa Syria, ngunit, puwedeng ipasiya nang sarili ng mga kasaping bansa nito kung sasali o hindi sa pagsalakay sa Syria.
Salin: Andrea