|
||||||||
|
||
Narating kahapon sa Geneva ng Amerika at Rusya ang kasunduan hinggil sa pagsusuperbisa at pangangasiwa sa mga sandatang kemikal ng Syria para kontrulin at alisin ang kakayahan ng Syria sa pagdebelop at paggamit ng mga sandatang kemikal.
Ayon sa kasunduang ito, dapat isapubliko ng Syria ang listahan ng mga sandatang kemikal nito sa loob ng 7 araw. Ang nilalaman ng listahan ay kinabibilangan ng mga pangalan, uri at bilang ng mga sandatang kemikal, lugar na kinaroroonan ng mga sandata, at mga pasilidad sa pagdedebelop ng mga sandata.
Bukod dito, aalisin at sisirain ang lahat ng mga sandatang kemikal ng Syria sa unang hati ng taong 2014.
Hiniling naman ng nasabing kasunduan sa Syria na tanggapin ang pagsusuri ng UN at mga may kinalamang organisasyong pandaigdig sa mga sandatang kemikal at mga may kinalamang pasilidad nito.
Narating din ng Amerika at Rusya ang nagkakaisang posisyon sa pagpapasulong ng UN Security Council ng isang resolusyon para isagawa ang aksyong militar sa Syria kung hindi isasakatuparan ng bansang ito ang pangako nito sa pagtanggap ng pagsusuri ng komunidad ng daigdig at pagsira ng mga sandatang kemikal.
Kaugnay ng nabanggit na kasunduan, ipinahayag ni John Kerry, Kalihim ng Estado ng Amerika, na kinakatigan ng kanyang bansa ang paglutas sa krisis ng Syria sa mapayapang paraan, pero hindi nito itatakwil ang paraang militar. Umaasa aniya siyang maisasakatuparan ni Pangulong Bashar al-Assad ang kaniyang pangako sa komunidad ng daigdig.
Sinabi ni Sergeï Lavrov, Ministrong Panlabas ng Rusya, na iginigiit ng kanyang bansa ang paglutas sa isyu ng Syria sa paraang pulitikal. Dagdag pa niya, ang kinabukasan ng Syria ay dapat piliin ng sarili nitong mga mamamayan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |