Ayon sa estadistikang ipinalabas kahapon ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, mula noong Enero hanggang Agosto ng kasalukuyang taon, ang kabuuang di-pinansiyal na direktang pamumuhunan ng Tsina sa labas ay lumaki ng 18.5% kumpara sa gayun ding panahon ng tinalikdang taon. Nagpatuloy ang mainam na tunguhin ng pamumuhunang panlabas noong isang taon. Kaugnay nito, tinukoy ni Shen Danyang, Tagapagsalita ng naturang ministri, na sa malapit na hinaharap, lalampas sa saklaw ng pag-akit ng puhunang dayuhan ang pamumuhunang panlabas ng Tsina.
Isinalaysay ni Shen na, mula noong Enero hanggang Agosto ng taong ito, isinagawa ng mga mamumuhunan sa loob ng Tsina ang direktang pamumuhunan sa 3583 dayuhang bahay-kalakal ng 156 na bansa't rehiyon sa buong mundo. Naisakatuparan ang 56.5 bilyong dolyares na di-pinansyal na direktang pamumuhunan.
Nauna rito, ipinalabas ng panig opisyal ng Tsina ang "Komunike Hinggil sa Datos ng Direktang Pamumuhunang Panlabas ng Tsina sa Taong 2012" na nagsasabing noong nagdaang taon, umabot sa 87.8 bilyong dolyares ang direktang pamumuhunang panlabas ng Tsina, na naging bagong rekord sa kasaysayan. Sa kauna-unahang pagkakataon, ang Tsina ay naging isa sa tatlong bansa sa daigdig na may pinakamalaking pamumuhunang panlabas.
Ayon kay Shen, mula noong Enero hanggang Agosto, ang pamumuhunan ng interyor ng Tsina sa pitong pangunahing ekonomiya na kinabibilangan ng Hong Kong, ASEAN, Unyong Europeo, Australia, Estados Unidos, Rusya at Hapon ay katumbas ng 70% ng kabuuang halaga ng direktang pamumuhunang panlabas ng Tsina. Ang datos na ito ay lumaki ng 3% kumpara sa gayun ding panahon ng tinalikdang taon. Liban sa pagbaba ng pamumuhunan sa Hong Kong at Hapon, may kabilisan ang paglaki ng pamumuhunan ng Tsina sa iba pang 5 ekonomiya.
Sa aspekto ng pag-akit ng puhunang dayuhan, liban sa datos ng mga larangan ng bangko, securities at seguro, 8.377 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng pununang dayuhan na aktuwal na ginamit ng buong bansa noong Agosto. Kaugnay nito, binigyang-diin ni Shen na pagpasok ng Pebrero ng taong ito, napanatili ng buwanang pag-akit ng Tsina ng puhunang dayuhan ang positibong paglaki nitong nakalipas na 7 buwang singkad, bagay na nagpapatunay na may kakayahang kompetetibo ang kabuhayang Tsino at kinikilala ng mga dayuhang mamumuhunan ang kapaligiran ng pamumuhunan ng Tsina.