Sa kanyang pakikipagtagpo kahapon sa Jakarta kay Yang Jiechi, Kasangguni ng Konseho ng Estado ng Tsina, ipinahayag ni Pangulong Susilo Bambang Yudhoyono ng Indonesia, na mainam ang pag-unlad ng relasyon ng Indonesia at Tsina, at dapat patuloy na palakasin ng dalawang bansa ang komprehensibong kooperasyon. Mainit na winiwelkam aniya ng mga mamamayang Indones ang gaganaping pagdalaw ni Pangulong Xi Jinping sa Indonesia, at pagdalo sa ika-21 di-Pormal na Pulong ng mga Lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) na idaraos sa Bali Island.
Ipinahayag naman ni Yang na ang Tsina at Indonesia ay kapwa malalaking bansa at bagong-sibol na market country sa Asya. Aniya, ang pagpapalakas ng estratehikong partnership ng dalawang bansa ay komong mithiin ng mga pamahalaan at mamamayan ng dalawang bansa, at ito ay may napakahalagang papel sa pangangalaga sa kapayapaan, katatagan, at kaunlarang panrehiyon, at sa pagpapasulong ng pagkakaisa at kooperasyon ng mga umuunlad na bansa. Dagdag pa niya, isasagawa ni Pangulong Xi ang dalaw-pang-estado sa Indonesia, at ito ay mahalagang pangyayari sa relasyon ng dalawang bansa, at malaki at pangmalayuan ang katuturan nito.
Salin: Li Feng