|
||||||||
|
||
Natapos na kamakailan ang mabungang biyahe ni Premyer Li Keqiang ng Tsina sa Timog-silangang Asya. Ipinalalagay ng mga dalubhasa't iskolar na Tsino na naging kapansin-pansing katangian ng naturang biyahe ang pagpapakita ng katapatan ng Tsina at paghahanap nito ng pragmatikong kooperasyon.
Ang paksang may kinalaman sa magkasamang paggagalugad sa South China Sea ay nagsilbing isa sa mga pokus ng kasalukuyang biyahe ni Li. Sa kanyang pagdalaw sa Brunei, nagpalabas ang dalawang bansa ng magkasanib na pahayag kung saan sumang-ayon silang palakasin ang kooperasyong pandagat, at pasulungin ang magkasamang paggagalugad. Nilagdaan din ng China National Offshore Oil Corp. (CNOOC) at Brunei National Petroleum Company Sendirian Berhad ang kasunduan hinggil sa pagtatatag ng joint venture sa larangan ng oil field service.
Ganito ang palagay ni Wu Shicun, Puno ng Instituto ng Tsina sa Pananaliksik sa South China Sea:
"Noong ika-8 dekada ng nagdaang siglo, iniharap ng pamahalaang Tsino ang simulaing pagsasa-isang-tabi ng alitan, at magkasamang paggagalugad, pero walang substansiyal na progreso ito. Ang pagsasagawa ng mga kompanya ng Tsina't Brunei ng magkasamang paggagalugad ng langis at natural gas sa rehiyon ng Nansha Islands ay ang kauna-unahan at pinakamahalagang hakbang. Nagpapatunay ito sa komunidad ng daigdig na sa proseso ng paglutas sa isyu ng South China Sea, maaaring mapalakas ng Tsina at mga kahidwaang bansa ang kanilang kooperasyon sa pamamagitan ng magkasamang paggagalugad. Nagpapakita rin itong naitatag na ang pagtitiwalaang pulitikal sa pagitan ng Tsina at mga kahidwaang bansa."
Sa huling hinto ng naturang biyahe, ipinasiya ng mga pamahalaan ng Tsina at Biyetnam na itatag ang working group ng pagsasanggunian hinggil sa magkasamang paggagalugad sa dagat. Ipinalalagay ng maraming media na ang aksyong ito ay nagpadala ng positibong signal ng kahandaan ng kapuwa panig na lutasin ang mga problema sa pamamagitan ng kooperasyon.
Sa tingin ni Liu Jiangyong, Propesor ng Tsinghua University ng Tsina, na matapat at pragmatiko ang kasalukuyang pagdalaw ni Li Keqiang sa Timog-silangang Asya. Aniya, magbubunga ito ng impluwensiya sa pag-unlad ng relasyon ng Tsina at mga bansang ASEAN, at magpapasulong ng diplomasya ng Tsina sa mga kapitbansa.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |