|
||||||||
|
||
Mga senador, walang napiga kay Ms. Janet Lim-Napoles
WALANG napiga ang mga senador kay Janet Lim-Napoles, ang sinasabing "pork barrel queen" sa idinaos na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee. Sa katanungan ni Senador Miriam Defensor-Santiago kung may kilala niya ang tatlong senador na isinasangkot sa P 10 bilyong "scam" tumanggi lamang si Napoles at nagsabing may karapatan siya laban sa pagdadawit ng kanyang sarili sa usapin.
Ang tatlong senador na isinangkot sa "scam" ay sina Senate Minority Leader Juan Ponce-Enrile at mga Senador Jose "Jinggoy" Estrada at Ramon "Bong" Revilla, Jr. Ginamit na muli ni Napoles ang kanyang karapatan ng tanungin ni Senador Santiago kung si Senador Enrile ba ang sinasabing "Tanda" sa mga nakalipas na pagdinig ng Senado.
Sa tanong ni Senador Santiago kung si Senador Estrada ba ang sinasabing "sexy," sumagot si Napoles ng "Hindi ko po alam." Sana raw ay ginamit na lamang niya ang kanyang karapatan tungkol sa self-incrimination.
Nagtanong pa ang ibang mga senador subalit walang nakuhang mahahalagang detalyes sa kontrobersyal na resource person. Sa pagtatapos ng pagdinig, sinabi ni Blue Ribbon Committee Chairman Senador Teofisto Guingona, tiniyak niyang magkakaroon pa ng pagdinig sa mga susunod na araw.
Tinulungan si G. Napoles ng tatlong mga abogado mula sa Public Attorney's Office, isang ahensyang saklaw ng Department of Justice.
Sa idinaos na press conference ni Senador Santiago, sinabi niyang si Senador Ponce-Enrile ang tinaguriang "Tanda" samantalang "sexy" si Senador Jinggoy Estrada at si "pogi" naman si Senador Bong Revilla "dahil artista siya."
Sinabi rin ni Senador Santiago na naniniwala siyang ang pinaka-utak ng pork barrel scam ay si Senador Juan Ponce-Enrile.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |