|
||||||||
|
||
Fr. Joe Dizon ng Cavite, ihahatid sa huling hantungan sa Lunes
MATAPOS ang kanyang paglahok sa mga mass action at paninindigan para sa malinis na halalan, namayapa na si Fr. Joe Dizon. Naglingkod siya bilang pari sa nakalipas na 40 taon. Katatapos pa lamang niyang magdiwang ng kanyang Ruby Anniversary sa pagkapari noong nakalipas na Oktubre.
Dinala na ang kanyang labi sa Workers' Assistance Center, isang samahang itinatag ng pari noong 1995 sa Rosario, Cavite para sa isang gabing paglalamay. Dadalhin din ang kanyang labi bukas sa Casas Hall sa loob ng Our Lady of the Pillar Cathedral grounds sa Imus, Cavite na pagdarausan ng mga Misa at parangal.
Idaraos ang funeral Mass sa ganap na ika-siyam ng umaga sa Lunes, ika-11 ng Nobyembre, sa pamamagitan ni Bishop Reynaldo Evangelista. Unang pinaglamayan ang kanyang labi sa San Roque Cathedral sa Calookan City.
Sa Sabado, magkakaroon ng ecumenical service sa ganap na ikatlo ng hapon.
Pagkatapos ng funeral Mass, ihahatid ang kanyang labi sa libingan ng mga pari sa tabi ng katedral.
Namayapa si Fr. Dizon noong Lunes, dahilan sa komplikasyon ng sakit na diabetes sa National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City. Si Fr. Dizon ang nasa likod ng Solidarity Philippines, isang samahan na nagsusulong ng mga turo ng Simbahan, kabilang din sa National Clergy Discernment Group at naging leader ng bantay halalang "Kontra-Daya."
Naging aktibo rin siya sa kampanya laban sa pork barrel. Sa isang press statement na marahil pinakahuli ng ginawa ng pari, sinabi niyang nararapat papanagutin si Pangulong Aquino sa mga problemang idinulot ng pork barrel sapagkat siya rin naman ang may poder na magpalabas o pumigil sa paglalabas ng pondo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |