Sa Geneva — Natapos dito kaninang madaling araw (local time) ang 3 araw na bagong round ng diyalogo hinggil sa isyung nuklear ng Iran. Bagama't naging konstruktibo ang diyalogong ito, hindi nito natamo ang inaasahang breakthrough. Ipinahayag ni Li Baodong, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina na kalahok sa naturang diyalogo, na patuloy na pasusulungin ng Tsina ang talastasan, at magsisikap para malutas ang isyung ito sa lalong madaling panahon.
Sinabi ni Li na lubos na pinahahalagahan ng komunidad ng daigdig ang nasabing diyalogo. Mataimtim aniya ang atmospera ng diyalogo sa pagitan ng Iran at 6 na may-kinalamang bansa, at ipinakita ng iba't-ibang panig ang kanilang political will sa paglutas sa isyung ito. Ngunit medyo masalimuot ang isyung nuklear ng Iran, imposibleng malutas aniya ang isyung ito sa pamamagitan ng isang talastasan lamang.
Dagdag pa niya, nakahanda ang iba't-ibang panig na patuloy na panatilihin ang tunguhin ng diyalogo, at nakahanda aniya silang idaos ang susunod na diyalogo sa lalong madaling panahon.
Salin: Li Feng