|
||||||||
|
||
Ayon sa patalastas na ipinalabas kahapon sa website ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, bilang pagpapahayag ng simpatiya sa mga mamamayang Pilipino na sinalanta ng bagyong Yolanda, ipinasiya ng pamahalaang Tsino na magkaloob ng pangkagitiang tulong sa mga apektadong Pilipino.
Anito, ang mga tulong na materyal na kinabibilangan ng tolda at kumot ay ihahatid sa Pilipinas sa pamamagitan ng espesyal na eroplano.
Nagpadala rin kahapon ng mensahe si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Pangulong Benigno Aquino III ng Pilipinas, bilang pagpapahayag ng pakikiramay kaugnay ng malaking kasuwalti at kapinsalaang dinulot ng super typhoon Yolanda.
Sinabi ni Xi na sa ngalan ng mga mamamayang Tsino, nagpapahayag siya ng pakikiramay sa mga mamamayang Pilipino, at ng pagluluksa sa mga nasawi. Nagpahayag din siya ng magandang hangarin na pagtagumpayan ng mga mamamayang Pilipino ang kalamidad, at muling maitayo ang kanilang mga tahanan sa lalong madaling panahon.
Ayon sa ulat kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hanggang alas-dos kahapon ng hapon, umabot na sa 2,275 ang naitalang bilang ng mga nasawi sa iba't ibang lugar ng Pilipinas na sinalanta ng super typhoon na Yolanda.
Samantala, 3,665 katao ang nasugatan, at 80 iba pa ang nawawala.
Salin: Jade, Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |