|
||||||||
|
||
melo20131113.m4a
|
United Nations Humanitarian Country Team, naglunsad ng palatuntunan para sa mga nasalanta ng bagyo
PANGALAWANG PANGULONG JEJOMAR C. BINAY, DUAMALAW SA ILOILO. Nakipag-usap at namahagi ng relief goods si Pangalawang Pangulong Binay sa mga binagyo sa Zarraga, Iloilo kahapon. (OVP Photo)
MANGANGAILANGAN ng $ 301 milyon ang action plan na inilunsad ng Humanitarian Country Team ng United Nations upang makapagbigay ng makapagliligtas ng buhay na mga kagamitan at matustusan ang paglilingkod sa may 11,300,000 kataong apektado ng super typhoon "Yolanda" na nanalanta sa siyam sa 17 rehiyon ng bansa noong Biyernes.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Kalihim Albert F. Del Rosario na isa sa pinakamatinding dagok ng kalikasan ang naranasan ng bansa kahit pa hindi na bago ang Pilipinas at mga Pilipino sa hagupit ng kalikasan. Napakalawak ng epekto nito sa humanitarian at financial standpoint na hindi maihahambing sa mga nakalipas na trahedya. Halos apat na ulit ang lakas ni "Yolanda" kay Hurricane Katrina na puminsala sa New Orleans sa Estados Unidos noong 2005.
Idinagdag ni Kalihim del Rosario na kamakalawa ng gabi ay nakatanggap siya ng tawag mula kay UN Secretary General Ban Ki-Moon na nagpaabot ng pakikiramay at pakikiisa. Ipinangako ni G. Ban na gagawin ng United Nations ang lahat upang makatulong. Naiparating na umano ng secretary general ang kalagayan ng bansa at mga biktima sa 193 kasaping bansa sa kanyang talumpati. Ang pagdalo ni Baroness Amos sa pagtitipon kahapon ng hapon sa Department of Foreign Affairs ay pagpapakita ng pagpapahalaga ng United Nations sa kinakaharap na pagsubok ng Pilipinas.
Idinagdag ni Kalihim del Rosario na umaasa siyang magpapatuloy ang pagtutulungan ng United Nations at ng Pilipinas sa magkasunod na trahedyang tumama, mula sa napakalakas na lindol sa Bohol at Cebu noong Oktubre at sa bagyong humampas sa gitnang bahagi ng Pilipinas. Nakapagpalabas na ang UN Humanitarian Country Team ng US $ 25 milyon upang masimulan ang kanilang operasyon.
Nakikita umano sa hagupit ni "Yolanda" ang pagbabago sa weather patterns. Patuloy na pinahahalagahan ng Pilipinas ang UN Framework Convention on Climate Change.
Ayon sa United Nations, pinakamalubhang naapektuhan ang mga lalawigan ng Samar, Leyte, Cebu, Iloilo, Capiz, Aklan at Palawan. Binuksan na kahapon ang paliparan sa Guiuan, Eastern Samar, ang unang tinamaan ng super typhoon, para sa humanitarian operations.
Naunang naideklara noong Lunes ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang national state of calamity. Nabatid ng United Nations na hanggang dalawang araw na lamang ang tubig sa Busuanga, isang bayan sa hilagang Palawan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |