Sinabi kahapon ni Surapong Tovichakchaikul, Pangalawang Punong Ministro at Ministrong Panlabas ng Thailand, na kung gusto ni Suthep Thuagsuban, lider ng demonstrasyong kontra sa pamahalaan, na isagawa ang talastasan hinggil sa mga isyung pulitikal na gaya ng pagtatatag ng "people's council," dapat muna siyang sumuko sa pulisya at aminin ang kasong isinampa laban sa kanya.
Nauna rito, inilabas ng criminal court ng Thailand ang dalawang arrest warrant kay Suthep Thuagsuban sa salang pang-uupat ng pagsakop ng mga departamento ng pamahalaan at pamiminsala sa mga ari-ariang pampubliko. Pero maliwanag na tumanggi si Suthep Thuagsuban sumuko sa pulisya.
Kaugnay nito, sinabi ni Surapong Tovichakchaikul na ayon sa batas, ipinagbabawal ang pagsasagawa ng opisyal na talastasan sa mga taong may kaso sa criminal court. Ang sinumang opisyal ng pamahalaan na lalabag sa batas na ito ay mabibilanggo ng 3 taon hanggang 15 taon.
Bukod dito, ipinahayag ni Narong Pipathanasai, Commander-in-Chief ng tropang pandagat ng Thailand, na tutol ang panig militar sa pagsasagawa ng kudeta.
Salin: Ernest