Nanawagan kahapon sa Maynila si Ban Ki-moon, Pangkalatahang Kalihim ng United Nations (UN) sa lahat ng mga bansang nag-abuloy na dagdagan ang kanilang donasyon para sa mga biktima ng supertyphoon Yolanda (international name: Haiyan).
Ipinahayag ni Ban ang kanyang panawagan sa isang preskon makaraang makipagtagpo siya sa mga sugong dayuhan na nakatalaga sa Pilipinas.
Idinagdag ni Ban na nitong nagdaang linggo, inilunsad ng UN at mga partner nito ang isang-taong Strategic Response Plan. Batay sa planong ito, umaasa ang UN na makakalikom ito ng 791 milyong U.S. dollars para sa rekonstruksyon ng mga lugar na apektedo ng Yolanda. Pero, aniya, hanggang sa kasalukuyan, 30% pa lamang ng nasabing halaga ang nakolekta ng UN.
Dumating si Ban sa Pilipinas nitong nagdaang Biyernes para sa tatlong araw na pagbisita. Nagtungo siya sa Tacloban nitong nagdaang Sabado.
Sinalanta ng Yolanda ang Kabisayahan noong ika-8 ng buwang ito. Mahigit 6,100 katao ang nasawi, 1,779 na iba pa ang nawawala, at 4.4 na milyong Pilipino ang nawalan ng tahanan. Mahigit 8 bilyong U.S. dollars ang kakailanganin para sa rekonstruksyon. Tinatayang tatagal nang 4 na taon ang rekonstruksyon at rehabilitasyon.
Salin: Jade