|
||||||||
|
||
Nagpalabas kahapon ng artikulo si Ma Zhaoxu, Embahador ng Tsina sa Australia sa diyaryong "The Australian" para ipahayag ang pagpuna sa pagbigay-galang ni Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon sa Yasukuni Shrine kung saan nakadambana ang 14 na class-A criminals noong World War II (WWII) noong ika-26 ng Disyembre, 2013.
Anang artikulo, ang isyu ng pagbisita ng isang lider na Hapones sa Yasukuni ay may kinalaman kung tumpak na malalaman at malalim na pagsisisihan ng Pamahalaang Hapones ang kasaysayang pangmilitarismo ng Hapon. May kinalaman din ito kung may katapatan ang isang lider na Hapones sa pagtalima sa Karta ng UN at kung tatahak ang Pamahalaang Hapones sa landas ng mapayapang pag-unlad.
Anang artikulo pa, ang pananalakay ng Hapon sa Tsina noong WWII ay nagdulot ng malaking kapahamakan sa mga mamamayang Tsino. Pero, nalalaman ng mababait na mamamayang Tsino na dapat managot dito ang mangilan-ngilang militaristang Hapones at nabiktima rin ang mga karaniwang Hapones ng digmaang mapanalakay ng militarismo ng Hapon.
Sinabi ng sugong Tsino na ang aksyon ni Abe ay nagsisilbing probokasyon sa mga nabiktimang bansang Asyano at binatikos ito ng mga bansa na gaya ng Tsina, Timog Korea at Rusya. Ipinahayag din ng Estados Unidos at Uniyong Europeo ang kani-kanilang pagkadismaya kay Abe.
Hiniling din ng sugong Tsino kay Abe na iwasto ang kamalian niya para matamo ang tiwala ng komunidad ng daigdig.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |