Binatikos kahapon ni Cheng Yonghua, Embahador Tsino sa Hapon, ang pagbisita kamakailan ni Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon sa Yasukuni Shrine kung saan nakadambana ang 14 na class-A criminals noong World War II (WWII).
Sa kanyang artikulong pinamagatang "Maling Lugar para Mangako Laban sa Digmaan" sa diyaryong Mainichi Shimbun ng Hapon, ipinahayag ng sugong Tsino na hindi kapani-paniwala ang pananalita ni Abe na ang kanyang pagbisita sa Yasukuni ay isang pangako na hindi kailanman maglulunsad uli ng digmaan ang Hapon.
Sinabi ni Embahador Cheng na ang pagbisita ni Abe sa Yasukuni kung saan nakadambana ang mga war criminal na Hapones ay nagpapakita ng pakikitungo at atityud ng Pamahalaang Hapones sa digmaang mapanalakay noong WWII. May kinalaman din ito sa pundasyong pulitikal ng ugnayang Sino-Hapones pagkaraan ng WWII, sa damdamin ng mga nabiktima ng digmaang mapanalakay ng Hapon at sa direksyon ng pag-unlad ng Hapon.
Idinagdag ng embahador Tsino na laging hinihiwalay ng Tsina ang militarism ng Hapon at mga karaniwang mamamayang Hapones at hinihiwalay rin ang war criminals at mga karaniwang sundalong Hapones. Ipinalalagay ng Tsina na ang digmaang mapanalakay na inilunsad ng militarismo ng Hapon ay nagdulot ng kapahamakan sa mga mamamayang Tsino, at nagdulot din ito ng pinsala sa mga mamamayang Hapones. Dapat panagutan ng iilang militaristang Hapones ang digmaang mapanalakay ng Hapon noong WWII. Kailangan aniyang sundin ng Pamahalaang Hapones ang pangako nito sa Potsdam Proclamation at magkaroon ng responsableng atityud sa katangian ng digmaang mapanalakay at sa mga class-A war criminals.
Ipinagdiinan din ng Embahador Tsino na hindi masasabing tutol ang Tsina sa pagbigay-galang ng mga karaninwang Hapones sa kanilang yumaong kamag-anakan sa Yasukuni, pero, hinding hindi matatanggap ng Tsina ang pagbisita ng mga lider na Hapones dahil may kinalaman ito sa kanilang pakikitungo sa responsibilidad sa digmaang mapanalakay.
Salin: Jade