Ipinahayag kaninang umaga ni Surapong Tovichakchaikul, Pangalawang Punong Ministro ng Caretaker Cabinet ng Thailand, na sa kasalukuyan, nasa kontrol pa ang situwasyon sa Thailand, at isasagawa ng mga maykinalamang departamento ang mga hakbangin para mapangalagaan ang kaligtasan ng mga turista at maigarantiya ang normal na landing at takeoff ng mga eroplano.
Patuloy pa ngayong araw ang protesta ng mga oposisyon ng pamahalaang Thai. Bukod sa pagharang sa mga lansangan, kinubkob din ng mga raliyista ang Pangkalahatang Tanggapan ng Adwana, Ministri ng Komersyo at Ministri ng Labour. Ngunit, hindi naapektuhan ang gawain ng mga departamento ng pamahalaan. Ani Surapong Tovichakchaikul, binuksan nila ang 24 oras na hotline para makatulong sa mga turista. Hanggang sa kasalukuyan, wala pang iniulat na nasugatang turista dahil sa demonstrasyon.
Salin: Andrea