Muling hinimok kahapon ni Qin Gang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, si Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon na gawing salamin ang kasaysayan at tandaan ang idinulot na kapinsalaan sa mga kapitbansang Asyano ng militarismo ng Hapon noong World War II.
Winika ito ni Qin bilang tugon sa pananalita kamakalawa ni Abe sa Davos Forum. Sinabi ni Abe na ang kasalukuyang relasyon ng Tsina at Hapon ay katulad ng relasyon ng Britanya at Alemanya noong World War I (WWI)kung kailan kahit mahigpit ang relasyong pangkalakalan ng dalawang bansang Europeo, sumiklab pa rin ang WWI.
Sinabi ni Qin na sa halip ng pagpapahayag ng komento sa relasyong Britaniko-Aleman noong WWI, kailangang pagsisihan ni Abe ang kolonisasyon ng Hapon sa mga kapitbansang Asya.
Kaugnay naman sa kahilingan ni Abe ng pagdaraos ng diyalogo ng Tsina at Hapon, ipinagdiinan ng Tagapagsalitang Tsino na hinding hindi matatanggap ang ginawa ni Abe, ibig sabihin, sa isang banda, ayaw niyang aminin ang kamalian ng pagbisita sa Yasukuni kung saan nakadambana ang 14 na Class-A Criminals noong WWII, at ang masama pa, dinungisan ang imahe ng Tsina; sa kabilang banda naman, sinambit niya ang islogan ng pagkakaroon ng diyalogo.
Salin: Jade