Sa Kuala Lumpur — Kinatagpo ngayong araw ni Punong Ministro Najib Tun Razak ng Malaysia si Zhang Yesui, espesyal na sugo ng Pamahalaang Tsino at Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina.
Sinabi ni Zhang na sapul nang maganap ang insidente ng pagkawala ng flight MH370 ng Malaysia Airlines, lubos na pinahahalagahan ng mga lider ng bansa ang progreso ng pangyayaring ito. Sa kasalukuyan, ang paghahanap ay nananatili pa ring pinakamahalagang gawain tungkol dito. Umaasa aniya ang Tsina na mapapalakas ng Malaysia ang pakikipagkoordina sa Tsina, at magkaloob ng komprehensibo at tumpak na impormasyong may-kinalaman sa naturang eroplano.
Nagpahayag naman si Najib ng pagtanggap at pasasalamat sa ibinibigay na pagkatig at tulong ng panig Tsino sa paghawak sa nasabing insidente.
Salin: Li Feng