Ayon sa taunang ulat kahapon ng World Trade Organization (WTO), noong 2013, ang Tsina ang naging pinakamalaking trade entity sa daigdig. Umabot sa 4.16 trilyong dolyares ang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng Tsina noong nagdaang taon na katumbas ng 11% ng kabuuang bolyum ng daigdig. Pumangalawa naman ang Estados Unidos sa halagang 3.91 trilyong dolyares na katumbas ng 10.4% ng kabuuang halaga ng daigdig. Ang unang apat na pinakamalaking bansang nagluluwas ay Tsina, Amerika, Alemanya at Hapon. Samantala, Ang unang apat na pinakamalaking bansang nag-aangkat ay Amerika, Tsina, Alemanya at Hapon.
Bukod dito, tinataya ng WTO na aabot sa 4.7% ang pagtaas ng kalakalang pandaigdig para sa taong ito. Mas mataas ito kumpara sa bahagdan ng 2013 na 2.1%. Kabilang sa mga positibong elemento para sa pagtaas ng kalakalang pandaigdig para sa taong 2014 ay ang matatag na pagpapanumbalik ng kabuhayan ng Amerika at mga bansang Europeo at pabagal pero patuloy na paglaki ng mga kabuhayan na tulad ng Tsina. Ayon sa ulat, ang Asya ay nananatili pa ring pangunahing tagapagpalakas ng paglaki ng kalakalang pandaigdig.
Salin: Jade