Sinimulan kahapon ng pamahalaan ng Ukraine ang aksyong militar bilang tugon sa malawakang pagrarali ng mga mamamayang pro-Rusya sa 3 lalawigan, sa silangan ng bansa, na gaya ng Donetsk, Kharkiv at Luhans Ka. Hinihiling ng mga demonstrador na isagawa ang pederal na sistema sa Ukraine. Samantala, lubos itong sinusubaybayan ng komunidad ng daigdig.
Kaugnay nito, magkakasunod na nakipag-usap kahapon sa telepono si Pangulong Vladimir Putin ng Rusya kina Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-moon ng UN, at mga lider ng Alemanya at Israel. Ipinahayag ni Putin, na ang aktibidad ng pamahalaan ng Ukraine ay labag sa konstitusyon, at dapat kondenahin ito ng komunidad ng daigdig. Muling ipinahayag ni Putin ang kahalagahan sa pangangalaga sa katatagan ng kabuhayan sa Ukraine at sa seguridad ng natural gas pipeline ng Rusya tungo sa Europa, na dumadaan sa loob ng teritoryo ng Ukraine. Dagdag pa ni Putin, dapat pangalagaan ang interes at karapatan ng mga mamamayan sa Ukraine na nagsasalita ng wikang Ruso.
Sinabi naman ni Ban Ki-moon na umaasa siyang isasagawa ng mga may kinalamang panig ang mga katugong hakbang para mapahupa ang kasalukuyang kalagayan sa nasabing bansa.
Nang araw ring iyon, ipinahayag ni Jen Psaki, Tagapagsalita ng Konseho ng Estado ng Amerika na positibo ang Amerika sa aksyon ng pamahalaan ng Ukraine. Ito aniya'y naglalayong pangalagaan ang kapayapaan ng estado. Ipinahayag din kahapon ng Amerika na possible itong magpataw ng mas mabigat na sangsyon laban sa Rusya.
Sinabi naman ni Anders Fogh Rasmussen, Pangkalahatang Kalihim ng North Atlantic Treaty Organization(NATO) na pahihigpitin ang pakikipagtulungang militar sa Unyong Europeo at kanilang mga kaalyado, para harapin ang ibat-ibang krisis na magaganap sa hinaharap.