Nanungkulan ngayong araw si Prayut Chan-ocha, lider ng panig militar ng Thailand, bilang lider ng "Pambansang Komisyon sa Pangangalaga sa Kapayapaan at Kaayusan ng Thailand." Kagabi, binuwag ng nasabing komisyon ang Mataas na Kapulungan, at humalili ito sa paghawak ng gawain ng Mataas at Mababang Kapulungan. Samantala, isinagawa ng panig militar ang serye ng pagsasaayos sa mga tauhan ng pamahalaan. Ayon sa pag-aanalisa, ang layunin ni Prayut Chan-ocha ay palakasin ang kapangyarihan ng military government.
Ilang residente ng Bangkok ang nagpahayag ng pagtanggap sa military government. Ayon sa kanila, ito ay magpapatatag ng pangmatagalang kapayapaan ng bansa at makakabuti sa pagkasundo ng dalawang panig sa paraan ng talastasan. Sa kabilang dako, ipinalalagay ng ibang residente na hindi nito malulutas ang krisis na pulitikal, sa halip, ito ay magreresulta sa mas malaking kontradiksyon.
Salin: Andrea