|
||||||||
|
||
Si Embahador Erlinda F. Basilio, habang nagtatalumpati sa pagdiriwang ng Ika-116 na Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas
Isang pagdiriwang na may atmosperang "pista sa nayon" ang idinaos kahapon ng Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing upang gunitain ang Ika-116 na Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Sa kanyang pambungad na talumpati, sinabi ni Embahador Erlinda F. Basilio, na ang lahat ng mga Pilipino sa Tsina ay maituturing na mga embahador ng pagkakaibigan at kapayapaan, at sila ay nasa Tsina upang makipagkaibigan sa mga mamamayang Tsino at lahat ng mga dayuhang namamalagi at namumuhay sa bansang ito.
Binigyang-diin ni Basilio na siya ay nasa Tsina upang palakasin ang pagkakaibigan at relasyon ng Pilipinas at Tsina.
Tema ng selebrasyon
Umaasa rin aniya siya na sa pamamagitan ng Ika-116 na Pagdiriwang ng Kalayaan ng Pilipinas na may temang "pista sa nayon," mas titibay pa ang pagkakaunawaan ng mga Pilipino at dakilang mamamayang Tsino.
Ani Basilio, ang tema ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ngayong taon ay "Pagsunod sa Yapak ng mga Dakilang Pilipino, Tungo sa Malawakan at Permanenteng Pagbabago." Ito aniya ay isang paalala sa lahat ng Pilipino na dapat laging gunitain ang sakripisyo at alay na ginawa ng mga bayani para sa kalayaan at pag-unlad ng Inang Bayan.
Dagdag pa niya, marami pang bagay ang dapat gawin at pagbabagong dapat ipatupad upang matamasa ang bunga ng kalayaan, kabilang na ang kaunlaran at pagbangon ng mga Pilipino mula sa kahirapan.
Anang embahador, kung susundin ng mga Pilipino ang mga ehemplong ipinamalas ng mga bayani, tiyak na matutupad ang mga minimithing pagbabago ng mga Pilipino.
Mula sa ibat-ibang larangan, maraming mga Pilipino, kasama ang kanilang mga pamilya at kaibigang dayuhan na nagtatrabaho at namumuhay sa lunsod ng Beijing at Tianjin ang dumalo sa nasabing pagdiriwang.
/end/rhio//
| ||||||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |