BEIJING, Tsina--Binuksan kahapon ang Ika-anim na Diyalogong Estratehiko't Ekonomiko ng Tsina at Amerika.
Magkakasamang nangulo sa Diyalogo sina Wang Yang, Espesyal na Kinatawan ni Pangulong Xi Jinping at Pangalawang Premyer ng Tsina, Yang Jiechi, Kasangguni ng Estado ng Tsina, John Kerry, Espesyal na Kinatawan ni Pangulong Barack Obama at Kalihim ng Estado at Jacob Lew, Kalihim ng Pananalapi ng Amerika.
Tinukoy ni Wang na ang taunang Diyalogo ng Tsina at Amerika ay isa sa mga pinakamagandang paraan para ipakita ang bagong uri ng relasyon ng dalawang bansa na nagtatampok sa walang alitan, walang komprontasyon, paggagalangan, kooperasyon at win-win situation.
Ipinahayag naman ni Kerry na ang paglahok at pagtalumpati ni Pangulong Xi sa seremonya ng pagbubukas ng Diyalogo ay nagpakita ng kanyang pagpapahalaga sa relasyong Sino-Amerikano. Aniya pa, tinukoy naman ni Pangulong Obama sa kanyang nakasulat na talumpati na kailangang samantalahin ng Tsina at Amerika ang Diyalogo upang ipakita sa daigdig na kahit masalimuot ang kanilang relasyon, kailangan pa ring tiyakin na ang pagtutulungan ay magsisilbing pangunahing elemento ng ugnayan ng dalawang bansa. Idinagdag din niyang ipinalalagay ng Amerika na maaaring may kompetisyon sa pagitan ng Amerika bilang establisadong malaking bansa at Tsina bilang bagong malaking bansa, pero, kailangang tiyaking walang alitan. Ipinagdiinan niyang walang intensyon ang Amerika na patawan ng containment ang Tsina at malugod na nakikita ng Amerika ang mapayapa, matatag at masaganang Tsina.
Salin: Jade