|
||||||||
|
||
WALANG dapat ipangamba ang mga katutubo sapagkat igagalang ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng Bangsamoro Basic Law. Ito ang tiniyak ni Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Quintos Deles sa kanyang pakikipagpulong kamakailan sa mga kinatawan ng iba't ibang grupo.
Ipinaliwanag niya na may pangako ang pamahalaan hinggil sa karapatan ng mga katutubo. Dumalo sa pulong ang mga kinatawan ng Teduray Justice & Governance, Gempa te Kelindaan ne Erumanen ne Menuv at ang Initiatives for International Dialogue o IID.
Bagama't suportado ng mga katutubo ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, nangangamba silang maiwan ang mga katutubo sa anumang kaunlarang nakalaan para sa mga Bangsamoro.
Ani Gng. Deles, ang mga katutubo tulad ng mga Bangsamoro ay kabilang sa minorya sa Mindanao at igagalang ang kanilang karapatan sa ilalim ng Bangsamoro region na mabubuo upang palitan ang Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Kahit si MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim ay nagsabing ang CAB ay hindi lamang para sa mga Muslim bagkos ay para sa mga katutubo at mga Kristiyano sa masasaklaw ng Bangsamoro territory.
Ayon kay MILF Chief Negotiator Mohager Iqbal may ilang probisyon ng Bangsamoro Basic Law ang kumikilala sa karapatan ng mga katutubo sa native titles, paggalang sa mga kaugalian at tradisyon, justice system at political structure kabilang na ang karapatan sa bahagi ng kikitain mula sa paggamit ng mga likas na yaman. Kabilang din ang pagkakaroon ng right to free and prior and informed consent, right to political participation at pagkakaroon ng dalawang luklukan para sa mga katutubo sa mabubuong parliament at iba pa.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |