|
||||||||
|
||
Cairo, Ehipto--Iniharap kahapon ng Tsina ang limang mungkahing pangkapayapaan sa alitang Palestina-Israel.
Ipinahayag ito ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina sa isang magkasanib na preskon sa Cairo na nilahukan niya at ng kanyang counterpart mula sa Ehipto na si Sameh Shukry.
Ang limang mungkahi ng Tsina ay ang mga sumusunod:
Una, agarang pagsasakatuparan ng Palestina at Israel ng komprehensibong tigil-putukan sa himpapawid at sa lupa, para matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyan.
Ikalawa, kinakatigan ng Tsina ang proposal sa tigil-putukan na iniharap ng Ehipto. Kailangang magsimula ang Palestina at Israel ng responsableng talastasan. Sa prosesong ito, kailangang alisin ng Israel ang blokeyo sa Gaza at palayain ang mga bilanggong Palestino. Samantala, kailangan ding pahalagahan ang kahilingan ng Israel.
Ikatlo, ang saligang dahilan ng alitan sa pagitan ng Israel at Palestina ay ang hindi pa nareresolbang isyu ng Palestina. Palagiang kinakatigan ng Tsina ang makatwirang kahilingan ng Palestina sa pagtatatag ng sariling estado. Para rito, kailangang gawing di-matitinag na pagpiling estratehiko ang talastasang pangkapayapaan ng Palestina at Israel. Dapat agarang panumbalikin ng dalawang panig ang nasabing talastasan.
Ikaapat, ang alitan ng Palestina at Israel ay may kinalaman sa kapayapaang pandaigdig, kaya, ang UN Security Council ay kailangang gumanap ng responsibilidad sa paglutas sa alitang ito.
Ikalima, kailangang pahalagaan at pahupain ang kalagayang humanitariyan sa Palestina, lalo na sa Gaza. Ang pamahalaang Tsino ay magkakaloob ng 1.5 milyong dolyares na tulong-salapi sa Gaza. Samantala, ang Red Cross ng Tsina ay nagbigay na rin ng tulong sa Gaza.
Ipinangako ni Wang na patuloy na magsikap ang Tsina, kasama ang komunidad ng daigdig para malutas ang alitan ng Palestina at Israel.
Ipinahayag naman ni Shukry ang kanyang pagtanggap sa mga proposal ni Wang. Nakahanda aniya siyang patuloy na mamagitan ang Ehipto, kasama ang Tsina, para malutas ang alitang Palestino-Israeli.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |