BEIJING, Xinhua – Sa isang regular na preskon, pinahayag kahapon ni Qin Gang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pag-asang ang pitong-puntong mungkahi ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya ay makakatulong sa paglikha ng paborableng kondisyon para sa kalutasang pulitikal ng krisis sa Ukraine.
Hiniling din ni Qin sa nagsasagupaang panig sa Ukraine na itigil ang putukan at magsagawa ng diyalogong inklusibo para malutas ang krisis sa pamamaraang pulitikal.
Hanggang sa kasalukuyan, mahigit 2,600 na ang naiulat na namatay dahil sa krisis sa Ukraine, sapul noong nagdaang Marso.
Inihain kamakalawa ni Putin ang kanyang mga mungkahi. Kabilang sa mga ito ay ang pagtigil ng putukan sa Donetsk at Lugansk sa dakong timog-silangan ng Ukraine, ganap at obdyektibong pagmomonitor ng komunidad ng daigdig, pagbabawal ng paggamit ng dahas laban sa mga sibilyan, at pagbubukas ng mga humanitarian corridor para matulungan ang mga mamamayang apektado.
Salin: Jade