|
||||||||
|
||
Dushanbe, Tajikistan—Iminungkahi kahapon ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na itatag ang isang economic corridor na mag-uugnay sa Tsina, Mongolia at Rusya.
Sa kanyang pakikipagtagpo sa mga counterpart mula sa Rusya at Mongolia na sina Vladimir Putin at Tsakhiagiin Elbegdorj, sa sidelines ng Ika-14 na Summit ng Shanghai Cooperation Organization (SCO), sinabi ni Pangulong Xi na napupununan ng isa't isa ang mga estratehiyang pangkaunlaran ng tatlong bansa.
Idinagdag pa ni Xi na ang nasabing economic corridor ay masasabing integrasyon ng mga proposal na pangkaunlaran ng tatlong bansa. Sa kanyang biyahe sa Sentral na Asya noong 2013, iminungkahi ni Xi ang pagtatatag ng Silk Road Economic Belt. Samantala, may plano ang Rusya na ilatag ang daambakal na mag-uugnay sa Europa at Asya. Binabalak namang itatag ng Mongolia ang mga pambansang network sa langis, natural na gas, koryente, daambakal at lansangan.
Ipinahayag ni Putin ang pagtanggap sa mungkahi ni Xi. Idinagdag pa niyang tulad ng iminungkahi ni Xi, kailangang iugnay ng tatlong bansa ang kanilang pambansang estratehiyang pangkaunlaran, para mapatibay ang kanilang pagtutulungan sa enerhiya, at konstruksyon ng imprastruktura.
Ipinahayag naman ni Elbegdorj ang kahandaan ng Mongolia sa pakikipagtulungan sa Tsina at Rusya.
Ang SCO ay binuo noong 2001 sa Shanghai at ang anim na miyembro nito ay kinabibilangan ng Tsina, Rusya, Kazakhstan, Kyrgyzstan, Tajikistan at Uzbekistan. Ang Mongolia ay isa sa limang bansang tagamasid ng SCO.
Salin: Jade
| ||||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |