Malayo pa'y dinig na ang himig ng kulintang at gitara. Tanaw ang maraming mga tao na nanonood, ang iba nakalabas ang cellphone at abala sa pagkuha ng video at litrato. Nakatawag ng pansin ng media at publiko ang nagtatanghal na Kaliwat Performing Artists Collective.
Ito ang unang pagdalaw ng grupo na binubuo nina Richard Vilar, Renante Barrete at Rosamae Joy Villocillo sa Nanning, Guangxi, Tsina. Sila ay mga tubong Davao at bahagi ng delagasyong nagpapakilala sa Davao Region bilang City of Charm sa Ika 11 China ASEAN Expo (CAEXPO).
Tampok sa kanilang pagtatanghal sa Philippine Pavillion ang mga awitin at musika ng mga Manobo. Kapansin-pansin ang makulay na tradisyunal na kasuotan na tatak ng kulturang Davaoeno.
Hindi man nila naiintindihan ang wika, di maitatanggi ang mainit na pagtanggap ng mga taga-Nanning sa grupong Kaliwat. "It's so elating, people enjoying while we are enjoying our performance. Pati yung mga translators namin bilib sila kasi we were accepted daw ng locals. Siguro yung honesty at passion ng performing na fi-feel nila yun. Thankful kami," ani Richard Vilar, Artistic Director ng Kaliwat.
Dagdag ni Vilar, "Ito ay once in a life time experience, kaya dapat sulitin ang pagpunta sa Nanning,Tsina. Share whatever we can share about the life of the people and the culture."
Ulat ni Machelle Ramos kasama si Ernest Wang