|
||||||||
|
||
MAY posibilidad na maglingkod ang mga manggagamot at narses mula sa Pilipinas sa pandaigdigang paglaban sa ebola.
Sa isang pagtitipon ng itinaguyod ng Foreign Correspondents of the Philippines (FoCAP) at Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP), sinabi ni Health Undersecretary Teodoro Herbosa na mayroong mga pag-uusap sa pagitan ng World Health Organization at Kagawaran ng Kalusugan ng Pilipinas sa posibleng pakikiisa ng mga dalubhasa mula sa Pilipinas.
Sinabi ni Undersecretary Herbosa na mayroong mga informal pag-uusap sa pagitan ng magkabilang panig. Ipinaliwanag niyang magandang pagkakataon ito upang ipadama ng Pilipinas ang pakikiisa sa international community at pasasalamat sa tulong na ibinigay noong nakalipas na Nobyembre ng manalasa ang bagyong "Yolanda."
Idinagdag pa niya na isang Filipino ang namumuno sa World Health Organization task force sa Kanlurang Africa laban sa ebola. Mayroon ding mga manggagamot na Filipino sa Medesins san Frontiers na aktibo rin sa pagtulong sa mga bansang apektado ng ebola.
Sa katanungan kung hindi ba mapapasapanganib ang mga manggagamot at narses mula sa Pilipinas na lalahok sa koponang maglilingkod sa mga bansang nasa Kanlurang Africa, ipinaliwanag ni Dr. Herbosa na kung susunod lamang sa mga protocol sa pag-iwas sa karamdaman, walang magkakaroon ng ebola.
Sa likod ng pangyayaring ito, nangangamba si Dr. Herbosa na hindi magaganap ang pagpapadala ng mga manggagamot at narses sa Kanlurang Africa sapagkat binabalak ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na pauwiin na ang may 3,000 manggagawang Filipino mula sa mga bansang apektado ng ebola.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |