Sinabi kamakailan ni Xu Ningning, Pangulong Tagapagpaganap ng China-ASEAN Business Council (CABC) na masigla ang kalakalan ng Tsina at ASEAN, pero, kailangan pang pabutihin ang estruktura nito.
Inilahad ni Xu na noong 2014, umabot sa 480.4 bilyong US dollar ang bilateral na kalakalan ng Tsina at ASEAN na mas mataas ng 8.3% kumpara sa taong 2013.
Kabilang dito, umabot sa 63.8 bilyong US dollar ang trade surplus ng Tsina sa ASEAN at mas mataas ito ng 43% kumpara sa taong 2013. Kaugnay nito, iminungkahi ni Xu na sa taong ito kailangang pabutihin ng Tsina at ASEAN ang estruktura ng kalakalan nila sa pamamagitan ng pagpapalawak ng Tsina ng pag-aangkat nito mula sa ASEAN. Makakabuti aniya ito sa talastasan hinggil sa upgrading ng China-ASEAN Free Trade Area (CAFTA). Makakatulong din aniya ito sa pagsasakatuparan ng target na umabot sa 500 bilyong US dollars ang kalakalan ng dalawang panig sa 2015.
Salin: Jade