Sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita, ipinahayag kagabi ni Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-moon ng United Nations (UN) ang pagtanggap sa tigil-putukan na nagkabisa nang araw ring iyon, sa silangang Ukraine. Ang nasabing kasunduan ay batay sa "komprehensibong hakbangin sa pagpapatupad ng kasunduan ng Minsk" na narating noong ika-12 ng buwang ito. Ayon pa kay Ban, napansin niyang naisakatuparan ng karamihan sa mga rehiyon ang tigil-putukan, pero ikinatatakot niya ang mga ulat hinggil sa pangingibabaw pa rin ng ostilong aksyon sa mga rehiyong kinabibilangan ng Debaltsevo. Muli rin siyang nanawagan sa iba't ibang panig na sundin ang kasunduan sa tigil-putukan nang walang eksepsyon.
Noong ika-12 ng buwang ito, narating ng mga lider ng Ukraine, Rusya, Pransya at Alemanya ang kasunduan hinggil sa komprehensibong hakbangin sa pangmatagalang paglutas sa krisis ng Ukraine, sa pamamagitan ng paraang pulitikal, at isyu ng tigil-putukan sa rehiyon ng silangang Ukraine. Ang nilalaman ng naturang kasunduan ay kinabibilangan ng: pagsasagawa ng ganap na tigil-putukan sa silangang Ukraine mula alas-dose kahapon ng madaling araw, agarang pag-uurong ng mga heavy weapon ng dalawang nagsasagupaang panig pagkatapos ng pagtitigil ng putukan, pagsususog sa konstitisyon ng Ukraine, pagbibigay ng mas malaking awtonomiya sa dakong silangan, at iba pa.
Salin: Vera