|
||||||||
|
||
MATAPOS ang higit sa tatlong buwang pagkakapiit sa isang military camp, napalaya ng hukuman ang isang Elpidio Romanca matapos makapaglagak ng piyansa.
Isang taga-Basey, Western Samar, dinakip si Romanca noong nakalipas na Nobyembre matapos pagdudahang kasapi ng New People's Army sa Barangay Mabini, Basey.
Nagtamo ng tama ng bala sa kanyang ulo at sa kanang hita nang diumano'y basta na lamang nagpaputok ang mga kawal sa kanyang tahanan matapos ang sinasabing sagupaang kinatampukan ng New People's Army. Inakusahan si Romanca ng illegal possession of firearms and ammunications sa Regional Trial Court ng Basey.
Pinamunuan ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta at ni Atty. Zacarias Duquilla, ang PAO lawyer na nakatalaga Regional Trial Court Branch 30 ang pagtatanggol kay Romanca at napababaan ang piyansa mula sa P 200,000 sa halagang P 50,000.
Sinabi ni Atty. Acosta na isang mahirap na magsasaka si Romanca at mayroong guidelines ang Corte Suprema sa mga karapatan ng mga akusado na makapagpiyansa at magkaroon ng madaliang paglilitis.
Hindi naman humadlang ang public prosecutor subalit ang Judge Advocate ng Armed Forces of the Philippines Paul Avila ay kumontra ay nagsabing ang piyansa ay nararapat sa halagang P 100,000. Hiniling ng hukuman kay Karapatan deputy national secretary general Romeo Clamor na tiyaking dadalo sa mga paglilitis ang aksuado.
Sinabi ni Clamaor na mula sa isang human rights organization, tinanggihan sila ng AFP na dalawin si Romanca sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Sumang-ayon si Judge Tarcelo A. Sabarre, Jr. ng RTC Branch 30, Basey, Samar sa kahilingang babaan ang itinakdang piyansa sa halagang P 50,000 at nag-utos ng pagpapalaya sa detenido mula sa kamay ng mga militar. Dumalo ang maybahay ni Romanca at ang kanilang tatlong supling.
Idaraos ang susunod na pagdinig sa buwan ng Mayo, 2015.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |