NAKATAKDANG makinabang ang mga nasa industriya ng pili sa Bicol, kape sa iba't ibang bahagi ng bansa, pomelo mula sa Mindanao at iba pangmga produktong mula sa mga sakahan sa pagkakaroon ng bagong kalakaran sa European Union.
Ayon kay European Union Ambassador Guy Ledoux, patuloy na lumalago ang middle class sa Pilipinas kaya't malaki ang magagawa ng sektor na ito para sa mga magsasaka at mga nagpoproseso ng mga produktong mula sa mga bukirin.
Sa idinaos na programa ng European Union at Philippine Chamber of Commerce and Industry kanina, sinabi ni Ambassador Ledoux na mula noong Pasko ng 2014, nakinabang na ang Pilipinas sa special incentive arrangement mula sa European Union para sa matatag na kaunlaran at magandang pamamalakad sa pamamagitan ng trade preferences sa higit sa 6,000 produkto na kinabibilangan ng processed fruit at foodstuff, langis ng niyog, sapatos at tsinelas, isda at mga damit.
Ang geographical indications ang ginagamit upang mabatid ang pinagmulan ng produkto na may tiyak na kalidad, reputasyon at iba pang characteristics na makadaragdag sa mga benepisyo tulad ng pagtataas ng mga magsasaka ng halaga ng kanilang mga produkto, marketing at exports ng mga produkto, at maisusulong pa ang biodiversity at tourism.
Isusulong ng European Union at Philippine Chamber of Commerce and Industry ang programang ito.