Ipinatalastas kamakailan ng Sekretaryat ng China-ASEAN Expo (CAEXPO) na bilang pagdiriwang sa Taon ng Pagtutulungang Pandagat ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), itatampok sa gaganaping Ika-12 CAEXPO sa taong ito ang pagtutulungang pandagat. Nakatakdang idaos ang taunang CAEXPO mula ika-18 hanggang ika-21 ng Setyembre ng taong ito, sa Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi sa dakong timog ng Tsina.
Bukod dito, ang Hong Kong ang napiling "City of Charm" ng Tsina sa idaraos na CAEXPO para mapasulong ang pagtutulungan ng Hong Kong at mga bansang ASEAN. Ang Timog Korea ay iimbitahan bilang bansang panauhin para mapalawak ang pagtutulungan sa pamamagitan ng plataporma ng CAEXPO. Sa kasalukuyan, ang Tsina at sampung (10) bansang ASEAN (10+1) ay ang regular na kalahok sa taunang CAEXPO. Sa hinaharap, inaasahang pasusulungin ng Sekretaryat ng CAEXPO ang pagtutulungan ng sampung (10) bansang ASEAN, Tsina, Timog Korea, Hapon, Australia, New Zealand at India (10+6). Inaasahan ding mapapabuti ng Sekretaryat ng CAEXPO ang serbisyo para sa media.
Sa magkakasamang pagtataguyod ng Tsina at sampung bansang ASEAN, sinimulang idaos ang taunang CAEXPO noong 2004.
Salin: Jade