BAGAMA'T nagpasalamat si Senador Grace Poe sa pagpapadala ng sipi ng pagsisiyasat ng Moro Islamic Liberation Front sa naganap sa Mamasapano noong nakalipas na Enero, sinabi ng mambabatas na nauunawaan niya ang pagkakaiba ng mga pananaw sa mga isyu at pangyayari na nauwi sa pagkasawi ng mga tauhan ng 55th Special Action Company. Naganap umano ito dahilan sa magkaka-ibang mga saksing nakausap at pagkakaiba sa pag-unawa sa mga datos na nakamtan.
Niliwanag pa ni Senador Poe na naninindigan sila sa kanilang ulat na nilagdaan ng 20 mga senador. Posibleng magkaroon ng pagbabago o pagsusog sa kanilang ulat sa pagdaraos ng sesyon sa darating na Mayo. Pag-uusapan kung paano kikilalanin ang ulat ng MILF lalo pa't may mga taliwas na datos. Pag-uusapan ito ng tatlong komite.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na ang mahalaga ay mabatid ng balana ang katotohanan at hindi manghihinang makamtan ang tunay na kapayapaan sa Mindanao.
Sa lumabas na pag-uulat ng MILF, mas makabubuting tapusin na ng Department of Justice ang kanilang pagsisiyasat at kilalanin ang mga nararapat managot at malitis sa pinaka-madaling panahon.