IKINALUNGKOT ni Prof. Miriam Coronel-Ferrer, ang chairperson ng Government of the Philippine Panel na nakipag-usap sa Moro Islamic Liberation Front ang naganap kahapon sa Mamasapano, Maguindanao.
Nakasagupa ng mga pulis ang iba't ibang armadong grupo. Ani Prof. Ferrer, ang lahat ay ginagawa upang mabaawi ang mga labi ng mga nasawi at magkaroon ng ligtas na paglisan ng mga tauhan ng Special Action Force sa mga apektadong pook. Naroon na rin ang mga kasapi sa International Monitoring Team. Ang ceasefire committees ng pamahalaan at MILF, ang mga tauhan ng 6th Infantry Division at regional police.
Ani Prof. Ferrer, maraming isyung pangseguridad ang kinakaharap ng peace process. Desidido pa rin silang ipasa at gawing batas ang Bangsamoro Basic Law upang maipatupad ang iba't ibang normalization programs, kabilang ang security components. Maiiwasan ang kaguluhan sa pagpapasa ng BBL, dagdag pa ng propesora.
Batid umano niya na ang mga tauhan ng PNP – Special Action Force ang tumutugis sa isang taga-Malaysia na nagngangalang Zulkifli bin Hir na kilala sa pangalang Marwan.