LAMAN ng mga lansangan ang mga tauhan ng Philippine National Police, Department of Public Works and Highways at mga Department of Transportation and Communications at mga non-government organizations upang magsilbing gabay at tagapagbantay sa mga lansangan.
Sa mga daungan, tulad ng Atimonan, sa lalawigan ng Quezon ay magkakasama naman ang mga pulis, tauhan ng Bureau of Fire Protection at Philippine Coast Guard upang matiyak ang kaligtasan ng mga maglalayag patungo sa iba't ibang bayan sa Alabat Island.
Ito rin ang larawan sa daungan ng Batangas na siyang "gateway" patungo sa Mindoro, Boracay at maging ilang bahagi pa ng Kabisayaan. Magkakasama rin ang mga agensya ng pamahalaan sa daungan ng Matnog sa Sorsogon upang matiyak ang kaligtasan ng mga maglalakbay patungo sa Silangang Kabisayaan at Mindanao.
Bukod sa manaka-nakang pagbagal ng trapiko sa National Highway sa Sariaya, Quezon, banayad naman ang paglalakbay patungo sa Bicol Region.